Sariaya, isa sa pinakalumang bayan sa lalawigan ng Quezon. Isang first class municipality na kalapit ng Lucena City, Quezon Province capital. Sa Hilaga ay ang pamosong Mt. Banahaw at sa timog ay ang Tayabas Bay. Mga kalapit na bayan mula sa Kanluran ay Candelaria at San Juan Batangas at sa Silangan ay mga bayan ng Tayabas, Lucban at Lucena City.
Isa sa pinaka-aabangang piyesta sa bayan ng Sariaya ay ang Pahiyas Festival na ginaganap tuwing ika-15 ng Mayo. Di lamang sa mga pasayahan at piyesta dinadayo ang bayan na ito kundi rin sa kanyang mga lumang mansion at bahay.
Ito ang panayam ng inyong lingkod kay Ginang Victoria de Villa ukol sa isang sector ng Sariaya na lalong magpapalakas at preserbahin ang Tourism industry ng Sariaya, Quezon.
Ano ang Tuklas Sariaya?
Ang ibig sabihin ng TUKLAS Sariaya ay Turismo, Kasaysaysayan at Kalikasan ng Sariaya. Ito ay isang nongovernment organization (NGO) na naglalayon na mapalago ang kultura at kabuhayan ng Sariaya sa pamamagitan ng community- based na turismo at mapangalagaan ang kasaysayan at kalikasan sa kapatagan, kabundukan at karagatan ng Sariaya.
Kailan ito itinatag?
Noong 2006.
Ano ang pangangailangang inyong nakita upang isabuo ang Tuklas?
Kailangan maisaayos ang tamang paggamit ng mga kayamanan ng Sariaya.
(i) Ang kapaligiran ng Sariaya ay isa ring pamana sa mga Sariayahin ay maari ding mapakinabangan ng marami pang henerasyon kung gagamitin ng wasto. Bukod sa kapatagan, isa ito sa ilang bayan na may katubigan at kabundukan na nagbibigay hanapbuhay sa mga tao.
(ii) May tanging kultura at kasaysayan ang Sariaya na maaring gamitin para mapalago ang kabuhayan ng mga Sariayahin. Katulad ng architectural heritage halimbawa , mga lumang bahay na makasaysayan na maipagmamalaki sa mga panauhin na pumupunta sa bayang ito.
Sinu-sino ang nasa likod ng Tuklas?
Itinatatag ito ng ilang Sariayahin: nila Raul Limbo, Tina Decal, Nettie de Villa, Susan Pagdanganan, Toby Albrando, Vener Reynoso , Tony Abot at Victoria de Villa.
Ano ang benepisyo nito sa:
Sinusuportahan ng TUKLAS ang isang turismo na isinasaayos , nilalahokan at pinauunlad ng mga taga Sariaya, isang uri ng turismo na mula sa tunay na kultura at kasaysayan at masinop na kapaligiran ng Sariaya.
Layon ng TUKLAS na mapalago ang kaalaman at partisipasyon ng mga taga Sariaya sa isang tunay na community based tourism ng Sariaya.
- Sa mga may ari ng featured houses?
Tinutulungan ng TUKLAS Sariaya na maipakilala sa mga panauhin ng bayan ang mga pamanang lumang bahay na may tanging arkitektura at kasaysayan na nakapaloob doon. May konting “fee” upang mabuksan ang mga bahay . Ito ay para sa pangangalaga at kaayusan ng bahay.
Ilan ang miembro ng Tuklas?
Humigit kumulang ay 20 miyembro lamang.
Bukas po ba ang membership nito sa publiko?
Opo, bukas ito sa lahat na gustong tumulong sa bayan. Ang membership ay pwedeng active o support member.
Saan po ito nakabase at sino po ang lalapitan?
Sa Sariaya – 66 Rizal St o dito sa Pasig sa telepono 631 4849 o email address vdevilla@gmail.com contact person: Victoria A. de Villa
Ilan ang bahay na featured ng Tuklas?
Ang lahat ng lumang bahay na mahigit sa 50 taon ay maaring ma ipakilala sa publiko subalit may 3 bahay na ang nabigyan ng National Historic Institute, isang ahensya nasyonal, ng karatula o marker na heritage structure. Kailangang mapagaralan ng husto ang isang lumang bahay , ang mga kwento ng pamilyang nanirahan dito, kelan ito itinayo, at iba pa upang maging interesante ito sa mga bisita.
Halimbawa ayon sa pananaliksik ang bahay ng mga Gala- Rodriguez ay dating headquarters ng
mga opisyal ng Hapones , na may dungeon ito, at may naging tagahangang Hapones ang isa sa mga naninirahan noon. Ang arkitekto ng bahay na ito ay ginawa ni Juan Nakpil, isang National Artist.
Ano ang goal nito sa mga susunod na taon?
Layon ng TUKLAS na mas maging aktibo ang mga taga Sariaya kasama ang lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa pagpapaunlad ng tamang turismo at pangangalaga sa kapaligiran. Mas mabuti na maraming organisasyon, pribadong sektor kasama na ang mga business, religious sektor, akademia, at iba pa ang mulat sa tunay na turismong lokal at sumapi sa pagbalangkas at paghubog ng isang mas maunlad at “sustainable” na bayan.
Paano makakatulong ang publiko sa patuloy na pag-pupunyagi ng samahang ito?
Pagaaralan ang mga plano at maging aktibo kung kailangang madinig ang boses o opinion nila tungkol sa lahat ng mga programang salungat sa loobin ng bayan.
Nabalitaan ko po na naging summer job ng ilang kabataan ang maging tour guide sa Sariaya, maganda po itong source ng trabaho ng kabataan ng Sariaya, paano po ba maging isang tour guide o magkaroon ng part time job sa ilalim ng Tuklas Sariaya?
Binabalangkas pa ito ng TUKLAS Sariaya kasama ng mga ukol na sektor.
Ano po ang mensaheng nais iparating ng Tuklas sa mga Sariayahin at sa mga katabing bayan na nais ring magsabuo nitong worthwhile na samahan?
May mga pamanang likas ang bayan ng Sariaya na dapat pagyamanin para sa kasalukuyan at darating na henerasyon. May tanging kayamanan na ibinigay ng Maykapal sa lahat ng bayan. Imulat natin ang ating isipan at huwag mangiming magtanong at humingi ng tulong sa lahat ng resources na may kaalaman tulad ng akademia, national agencies, international organizations, simbahan at iba pa. Maliit ang ating perspektibo kung hindi natin lalawakan ang proseso ng partisipasyon at konsultasyon. Hindi produktibo ang kaisipang parochial.