Singing the Blues: Movie Melodies
Hindi ako lumaking laging nanonood ng sine sa sinehan. Di naman gasinong istrikto ang mga magulang ko at lagi naman akong pinapabaunan kapag nanghingi o kaya mahuli akong nangungupit sa wallet nila. Kaya lang na-phobia yata ako sa sinehan. Eto ang salaysayin:
Anim na taong gulang ako noon nang isinama ako ng nobya ng tiyo ko sa nag-iisang sinehan sa Sariaya. Intsik ang may-ari ng sinehan, kaya sa mga huling araw ng palabas, binabargain na nila ang palabas. Yung dating dalawang pisong entrance fee, nagiging salapi (.50 centavo) na lang kapag ika-pitong araw na. Kaya ayun, napasama pa ako. Pumayag naman ang Nanay ko dahil Fernando Poe Jr. ang bida. May sikretong fans club yang si Nanay kay Fernando Poe. Jr. Siya rin lang ang miembro. At dahil medyo konserbatibo ang Nanay ko, di talaga siya nanonood ng sine na hindi kasama ang Tatay ko.
Ayun, hinahanap ko na ang sipit na Rambo at magsuot raw ako ng puruntong na luma. Ako naman, sunod lang ng sunod. Kahit na likas na malikot at sutil ako, kapag librehan na, lumalabas na ang pakpak at umuurong na ang pangil ng gilagid ko. Ayan na., nasa tapat na kami ng sinehan. Dilaw at pula ang tagiliran nito na nakatayo sa likuran ng isa sa pinakamagandang masyon sa kalye Rizal. Maganda pa noon ang sinehan, sa labas lang pala. Dahil may umaasbok na amoy ang mararatnan mo sa kapal ng usok ng mga maninigarilyo sa loob ng sinehan. Di pa uso noon ang No Smoking in Public Areas. Binuksan ng ale ang kanyang plaslayt at siniguradong tama ang tiket namin. Ayon naman at tama pala. Nag-hanap kami ng mga upuan. Yung una naming nakuha ay mamasa masa pa. Sininghot ng magiging tiyahin ko ang upuan at naalibadbaran yata at biglang nag-iktad at sinabing “Ay ay ay, doon tayo sa kabilang gilid”. Nakahanap na rin kami ng upuan kahit na nasa gitna na ng sine ang napanood namin.
Malalaman mong nanonood ka ng sine sa Sariaya Movie House dahil talaga namang likas atang mapag-hunta (salita ng salita) ang mga taong taga-amin. Pati si Fernando at Susan Roces ay pinapagalitan. At kung sipaan na ang usapan, makikita mo ang mga aninong ulo na nagsisisulpot ng taas at baba. Umiilag yata. Naka-panood na rin ako ng sine sa Sariaya, at libre pa ang Ebert at Roper na komentaryo ng mga mahihilig manood rito. Sa katapusan ng Durugin si Totoy Bato na Isang Bala ka Lang, habang ang lahat ng pangalan ng Sampaguita Film crew kasama na yung mga taga-hawak ng payong ng mga bossing ay agad nang biniksan ang yerong pintuan sa may kaliwa ng tabing. Nagsisikaripas na nang takbo ang mga batang, akala mo ay may nag rambol sa ingay ng hiyawan. May mga magkakabarkada pating naksisipaan at kunwa’y nagsusuntukan dahil na bugbog ni FBJ si Paquito Diaz. Humupa na ang ang alikabok na naghahalo sa mga balat ng Chippy, patpat ng BBQ, dahon ng saging na pinagkainan ng Pancit Hab Hab at mga plastic na may nakasingit pang straw mula sa Coca-Colang iba’t iba ang laman.
Nagutom yata ang tiyahin ko dahil ilang minuto na kaming nakapila sa tapat ng BBQ han na tapat na tapat sa pasukan ng sine. Pamoso (famous) na ang tindahan ni Marivic dahil halos lahat ng balik-bayan ay isa sa mga himpilan ng mga dapat kainan at bilhan bago umalis ng Sariaya ay ang kanyang BananaQ at isang dakot na habhab na nakalagay sa dahon ng saging. Ginaya ko ang aking tiya noong inilangoy na niya ang pancit na hawak sa ma-anghang na suka at dobleng hiling ng pulang sibuyas. Iniabot rin ni Aling Marivic yung dalawang plastic ng sagolite at baryang sukli.
Nang maramdaman kong halos mapuknat na ang lalamunan ko sa pag-higop ng sili-suka, doon ko na naramdaman ang di ko malilimutan sa buong buhay ko. Agad akong umupo sa may tabi ng kalsada at unti-unti kong ikinuskos ang aking makating bahagi ng aking katawan. Nahulog na ang isang pilas ng BananaQ at di na talagang mapigilang ibaba ang lahat ng pagkain kong hawak at kamutin ang mataas na parte ng binti, hanggang sa may tambok ng puwit at kumalat na sa likuran hanggang sa may kili-kili.
“Ay ay ay, hala at umuwi na tayo.” Nagmamadaling pakiusap ng tiyahin ko. Wala na siyang maisip kundi ang pagsabi ng ay ay ay?
Agad nang pumara ang traysikel at ibinababa kami sa tapat ng bahay. Namumula na ang aking noo, leeg, braso, hanggang tuhod at binti sa aking kakakamot. Agad na nagpainit ng tubig ang Nanay. Maligo raw ako. Ano kaya ang nangyari sa akin, talagang nangati na ako ng husto. Ang pagkamot sa makati ay isang parang reflex na lang. Di ko na iniisip kung saan ako nagkakamot. “Ano po ang nangyayari sa akin Nay?” Ang aking tanong. Allergy kaya ito, measles, chicken pox, ano ho?
Dahan dahan inalis ng Nanay ang aking puruntong, at lahat ng suot ko sa sinehan. Binuhusan ako ng tubig na nakakapaso. Di ko namalayang kinukurot na pala ako ng Nanay ko at pinapagalitang wag na raw akong magpapanood pa ng sine. May telebisyon naman raw kami na tatlo ang tsanel at may libreng pang-apat kung pukpokin mo yung tagiliran at ikabit sa hanger yung antenna. “Nay ano po ba ang nangyari sa akin?” Ang tanong ko. Iisa lang ang naisagot ng Nanay:
“Surot”
Buti na lang ang ganda na ng mga sinehan sa atin. Lalo na nang makibasa ako sa post ni Malen. Napa-ibig tuloy akong manood ulit ng sine.









hala! kamalas malasan naman at may surot pa… grabe kati nun! okay na yung mga sinehan ngaun… sa tagal kong nanunuod eh nde ko pa naman naexperience ang “surot”.. sana wag naman… hehehe..
nga pala… galing ako sa blog ni rio… ex links? =)
lalaines last blog post..LED Watch
Hello Mahalia!
Allergic ka sa surot? Kaya lang pag surot na nga naman ang kumagat wala ng alle-allergy pa. Matindi talaga yang mga surot na yan kung dumale ano?
Sofies last blog post..Second Day, Edinburgh, Scotland
lalaine Hi, salamat at napadalaw ka. sige i lalagay kita sa blogroll ko, tingnan mo mamaya sa blogread under bloggitylinks. Noong unang panahon pa ang mga surot surot na iyon, ngayon magaganda na ang mga sinehan sa atin. Pasine naman dyan. Nakahanap ka na ba ng sponsor sa atin ng LED watch natin sa pasko?
likas na makatihin ako ate Sofie, minalas malas na sakit ko ang katihin. Di naman ako sensitive. Kahit na mamaga na ang labi at mukha ko sa kakakain ng alimango at aligue, sige pa rin. Bukas na lang ako kakamot. hehehe
[...] sa kanyang kahabaan ng balbas. Babala lamang, mainit init pa rin dito sa atin, baka magimbita ng surot at kuto ang mga bigote natin [...]
Leave your response!
Passing Days in Square Boxes
Word Garden
Candy Shop
Inside the Wrapper
Celebrate Pinoyhood
Tin Foil Wrap
Other Blogs
Multiple Choice
Subscribe
Categories
Chocolates Opened
Most Commented
Bite Size