Balakubak Diaries

Edad: Siyam na taong gulang.
Araw: Sabado
“Ching, ching, ching,” ang taginting ng hasaan na nangungumpisal sa malaking bolo na hawak ng nakababata kong kapatid. Kumikislap na sa liwanag ng tanghali ang matalim na pang-saksak na miminsa’y gamit sa pantabas ng talahib sa likurang bahay ngunit ngayon ay may ibang pakay.
“Plak, plak, plak,” ang sabi ng itak na hawak ng aking kapatid. Sabay ang malakas na paghataw sa napapanot na bao. Binibilang na ng bawat pag-hagupit ng matalas na itak, ang segundo patungong huling paghuhusga sa aking kapalaran. Sabay ang biglang buhos ng katas ng niyog sa naghihintay na batya.
“Tsok, tsok tsok,” ang tunog ng pangyadyad ng niyog tuwing Sabado sa aming bakuran. Tuwing Biyernes, sasaka ang Tatay ko sa bukid para makahakot ng mangilangilang niyog na nakakalat sa bakuran ng tenant. Tuwing Sabado, nakabalandra na sa tabi ng bahay ng baboy ang niyog na nagbabadya ng aking linguhang kaparusahan.
“Klank, klank, klank,” ang pagsalpok sa mainit kaldero ng pang-halo ng gata na pinagkakaisahan ng kalan at gasul na magbubunga sa kasindak-sindak na wakas. Nangangawit na ang braso ng Nanay ko bago pa lumabas ang kumukulong mantika ng kinayod na niyog. Kasabay ng pag-kulo ng mantika ang huling paghinga ng PeterPan Gasul na kabibili lamang noong isang lingo. Unti-unti nang natutunaw ang lakas loob ko sa bawat bula na sumilakbo sa masigasig nitong pagpapahayag ng paglapat sa aking anit.
“Aray ko po,” ang mahina kong bulong.
Sabay ang pagsuksok ng ngipin ng nanggagalaiting suyod. Nag-nitnit na ang naagnas kong anit sa kapal ng balakubak na ilang libong taon nang nakapatong sa pinarusahan baong ito.
Umaagos sa aking tuktok ang bagong lutong mantika. Isang oras na pagpipinetensya at sabunutan ang aabutin ko kung lalabanan ko ang suyod. Naghahapdi na ang ulo ko. Nangangalaglag na ang tinapay mula sa pabrika ng Golden Locks sa taas ng noo at mata. Wala nang humpay ang pagtibok ng mga sugat na kinabkab ng mahal kong suklay suyod.
Matagal ko na ring pinagdurusahan ang balakubak kong ito. Nabubwisit na ako sa minsang magdamag na pangangati at sabay na pagkakamot na nag-iiwan ng pira-pirasong tinapay sa aking unan. Wala na akong ma-imbentong paraan kung paano ko itatago sa aking mga kaklase ang lagi kong umuulang ulo.
May pag-asa pa ba ako?























