Home » [Practice] Exercise my Native Tongue, [Work] roll-up your sleeves and sweat

Tornado

20 August 2008 11 Comments

Kras!

Kablag!

Sabay ang mga tunog na ito sa pagdulas at pagkabasag ng platong hawak ko. Hinigit akong bigla ng aking asawa papuntang basement. Tara ang sabi niya sa ingles. Hawak niya ang kamay ko sa madilim na hagdan papuntang ilalim ng bahay namin. Kinig ko ang yabag ng mga paa naming nagmamadaling bumaba. Yapusin ko raw ang poste at sabay akap niya sa akin at sa poste. Ang sweet naman. Brown out, poste, yakap. Equals sweet nga. Kung walang umaalulong na hangin sa labas ng bahay. Sweet kung date ito. Sweet kung may patagong kiss. Pero di nga eh. Dahil may malakas na ipu-ipong kumakatok sa pintuan. May hangin na kita kong patihayang umiihip. Yung swing sa labas kita kong umaabot na sa bubong ng garahe. Kumurap ng dalawang beses yung bumbilya. Pagkatapos tuluyan nang nag-brown out. Ramdam ko ang kapa ng kamay ng asawa ko habang mahigpit pa rin akong nakayapos sa malamig na posteng bakal. Pumikit yata ako, o sadya lang biglang dumilim. Pareho kaming walang kibo. Pareho naming hinihintay na tumahimik sa labas. Mga kinse minutos lang tumagal ang ipu-ipo pero parang nanood ako ng Schindler’s List sa tagal.

Ano kaya yung tunog? Nagtanungan kaming mag-asawa. Baka may bumato sa bintana. Baka may nagkabanggaan sa kanto. Baka may nahulog na spaceship sa kapitbahay. Matingnan nga. Madilim pa rin. Wala na ang alulong ni Nora Aunor. Unti-unti naming kinapa ang hagdan at umakyat. Inatuhan ulit naming buhayin ang ilaw. Nakakapagtaka kung bakit alam na naming brown-out sisiguraduhin talaga sa mga limang click ng switch. Para bang magma-magic ang Meralco sa morse code naming ipinadala sa kapipindot sa ilaw.

Lumabas kami sa tagiliran ng bahay. Ay yung duyan lang pala ang nabiktima. May ilang halaman nabunot sa tabi. May basurahang nagtilapon. Aha, yun pala ang kinain nila kahapon. Habang nag mamanman ako sa mga nagtilapong abubot sa kalye. Nag-patrol naman ang asawa ko sa ibang parte ng bahay. Ahoy, may kamison pang nag wawagayway sa sanga ng puno. Kukunin ko sana, nang kinig ko ang matalas na tawag ng asawa ko. Sa isip ko, aba di ko naman gagamitin yon, gagawin ko lang basahan. Nang lumingon ako, di pala itong Magic Kamison ang itinatawag niya. Akala ko ay binabantayan na naman akong wag mamulot sa kalye. Nagmadali akong sumunod sa kumpas ng asawa. Sasabihin ko sanang walang gasinong pinsala ang dumaang bagyo nang tumingala ako nakaturong kamay sa itaas ng bahay namin. Nahulog ang punong mas matanda pa ata kay Pidol sa taas ng bahay namin. Wasak ang buong second floor. Napanganga ako sabay patak ng napakalakas na ulan.

Kumukulog pa nang itali ko ang plastic na para sa basurahan namin. Doon ko inilagay ang mga birth certificate namin at passport. Pati na ang ilang love letters namin. Bukod rito wala nang pakibang ang mga basang gamit. Halos lahat ay natabunan ng dingding, sanga at mangilan ngilang pugad sa dating puno sa tabing bahay. Mag-aalas dose na nang hating-gabi. Nabuhay na ang mga ilaw sa kapitbahay namin. Kami lang ang walang kuryente. Kami lang ang na-target ng tornado. Sa dinami-dami namang kapitbahay, kami lang ang pinarahan nitong unos. Kung nasa pelikula ito, kami lang ang inuulanan habang sugsog ng sikat naman ng araw sa buong kabayanan.

Nakitulog kami sa aking byenan. Tinawagan namin ang insurance para tingnan kung ano ba ang maaring sagipin. Kinabukasan, syempre maliwanag na sa labas, habang bitbit ko ang itim na trash bag, bumalik kami sa kahapon ay tahanan. Ngayon disaster area na lang. Akala ko ay may mga reporter nang magtatanong kung anong nangyari. Pero kami lang dalawang mag-asawa ang nagmasid sa kamanghamanghang pangyayari. Yung garahe namin ay binuhat ng hangin at ibinababa ng ilang dangkal. Walang danyos kundi naisod sa pundasyon. Sinubukan siguro ng garaheng gayahin yung nangyari sa Wizard of Oz.  Lahat ng bintana ay nabasag. Para bang may tumayo sa gitna ng bahay at nagmala-operang kumanta habang nag-kalas kalas ang lahat ng salamin. Durog ang kama sa kwarto. May nakahigang puno dito mula sa malaking butas sa bubong. Ayan sabi ko, di na tayo uupa nang karpintero para sa skylight. Buti na nga nang gabing mangyari ito ay tumulong ang asawa kong maghugas ng pinggan. Pilit pilit ko pa syang pinatutulog dahil may trabaho kinaumagahan. Kung sakasakali di na home insurance inspector ang kailangan namin, life insurance na.

Beep beep and sabi nang trak sa harapan. May hatak na tambakan ng basura. Siya raw yung inspector ng insurance. Sisimulan na raw nilang itapon ang mga sira-sira naming gamit. Sisimulan na raw ang halos isang taong pag-babaklas at pag-bubuo ulit ng aming bahay. Agad kong binuksan ang pintuan. Nag-halungkat sa gitna ng magulong kalat. Sa loob ng isang cabinet ay isang basang photo album. Ikalawa sa naligtas mula sa ipu-ipo. Una syempre ay ang pagkakaligtas sa aking asawa.

For I know the thoughts that I think toward you, saith the LORD, thoughts of peace, and not of evil, to give you an expected end.

Jeremiah 29:11

P.S. Salamat sa post ni BluePanjeet na Global warming renders the Philippines as Asia’s tornado alley. Naalala ko tuloy ang nangyari sa aming mag-asawa noong Nobyembre 2002, habang limang buwan pa lang kaming kasal.

11 Comments »

  • Amor said:

    Hi Mahalia,

    nakakatakot naman yan. kaiba na talaga ang panahon gawa ng global warming. kahit dito, ilan bagyo na yun halos tangayin na yun bahay namin. takot na takot yun isang anak ko pag me bagyo. nandyan pa yun dulot na pagbabaha. me bagyo din dito ngayon at suspendido na ang klase.

    may tag-tornado season tulad ng typhoon season sa atin. di naman gasinong grabe dito, ang tornado alley ay oklahoma at mga katabing state. kawawa naman yung mga nawalan ng ari-arian. naalala ko tuloy yung baha sa kahabaan ng España, tuloy pa rin ang klase, kaya langgoy naman ang mga pedicure sa umaapaw na kanal. sana ay ok naman kayo diyan nang nakaraan na bagyo.

  • nanaybelen said:

    mabuti naman at safe kayong mag-asawa dyan. dyosko, ganon ba talaga dyan?

    ay opo nanay, kapag springtime, puro typhoon & tornado, kapag summer, heatstroke at hale storm, kapag fall, tornado ulit at pag winter naman makapal na snow, minsan hanggang kalahating taas ng bahay. Ok naman po kami, natyempuhan ng panahon noong 2002. biruin ninyo, na-buhawi ang bahay namin, isang buwan bago nangyari iyon ay nahulog ang asawa ko at tumalbog ang ulo sa semento. Napa-sakay tuloy siya sa helicopter papuntang malaking ospital. Buti na lang di na tigok. At least nakasakay naman siya ng helicopter. hehehe. Buhay talaga, parang teleserye.

  • rio said:

    huh? buti nalang ate at walang masamang nangyari sa inyong mag asawa.
    kahapon naman ay sobrang lakas ng hangin at kulog at kidlat banda dito sa may amin..nakakatakot…
    ingat kayo parati…

    Dr. Rio. magandang manood ng kidlat kapag malayo. kapag lumalapit na ay nakupo, takbo! mabait talaga ang Diyos dahil sa dami ng disgrasyang nangyari sa amin noong taong 2002, andito pa rin kami. siguro pinadaan kami sa mga bagay na iyon para ma-pahalagahan ang biyaya Niya. ingat din kayo lalo na’t bagyo, kulog, kidlat at lindol ang binubuno dyan sa atin.

  • Aling Baby said:

    nakikibisita lang po. :)
    kahit na ganun ang nangyari, cool na cool pa rin kayung dalawa. shempre naman, mas importante pa sa mga kagamitan nyo ang safety nyong dalawa. nakakatakot pala dyan, tornado ang kalaban. okay na sa akin ang baha o kaya sobrang init lang hehe.
    :)

    nag-panic din kami. kaya lang sa bilis ng pangyayari, medyo na bigla at nagbibiruan pa. kung maalala ko ulit iyon, mas natatakot ako ngayon kaysa noong andoon kami sa loob ng bahay. nakaka-mangha talaga ang mekanismo ng isang tao habang nakakaranas siya ng iba’t-ibang bagay.

    galing ng last post mo : Buhey nga nemen

  • caryn said:

    grabe, ako i was so surprised when i read about this, also on bluepanjeet’s site. kakatakot!

    nakakatakot talaga…pero syempre may mga daredevil na hinahabol pa ang mga ipu-ipo. kami hanggang tv na lang namin panoorin iyon, di siguro nila na experience kung nasa loob sila ng bahay na tinatanggay. Lagi ko tuloy naalala si Dorothy ng Wizard of Oz, buti na lang tulog siya nung nadala ang bahay. Si Toto lang ang gising, nung mag-landing di na tumigil sa kaka-batok, dahil na anxiety attack ang bilot.

  • Dfish said:

    wow! this is really one big survivor story. it was a relief to know you came out safe. but the damage - you must be grieving for such a loss. nakakapanghinayang nga talaga siguro tingnan yung tornadoed house nyo.

  • bluepanjeet said:

    Grabe pala dyan sa inyo. Kala ko exaggerated lang sa pelikula. buti di ka tinangay. May mga instances na kahit nakayakap na sa poste natatangay pa rin. Dito sa Pinas mahina pa yung masira ang bubong at bahay. Dyan ata pati damo nabubunot sa lakas ng ipo ipo.

    Ang alam ko ay may stromne warning dyan sa parte nyo. dyan pa rin ba kayo sa iowa?

  • haze said:

    Magandang Araw sayo at salamat sa pagdalaw mo sa blog ko :D ! Buti naman at ligtas kayong lahat. Ngunit laging katanungan sa akin bakit nga ba laging may ipo-ipo sa Amerika ? Pero dito sa Europe parang wala pa akong naririnig. Naaalala ko tuloy yung pelikula ng Twister ne Helen Hunt, etong picture mo nakaka impress! Kaya pala lahat ng bahay dyan meron basement para maiwan ang disgrasya ! Ingat lagi .

  • Palaboy (ralph) said:

    hey.. thanks for adding me to your blog…

    *higop ng kape

    natatandaan ko nung isang buwan lamang, dito sa aming iskul ay nagkaroon din ng mumunting ipu ipo

    *higop ulit sabay patong sa mesa

    na naghasik ng alikabok at dahon ng bagong tabas na damo sa halos kalahati ng campus. yun pa lang ang pinakamatinding experience ko ng ipo ipo. So far dito sa Lucena, wala nang masyadong bagyo at ulan sa panahong ito di tulad ng dati na laging mabaho ang paa ko dahil tinatagos ng tubig ang sapatos at medyas kong butas. hay, global warming nga naman… hehe

    thanks for sharing me your site… Shwaveh talaga. hehehe more power to you and your asawa and your blog.. GOD BLESS

  • reyna elena said:

    san to nangyari? i heard nag ka tornado sa Laguna. buti ok ang kinaratnana nang poste sweet yakapan ninyo hehhe

    reyna elenas last blog post..Hate me but Imelda Marcos deserves the honor!

  • Mahalia (author) said:

    dito as Ohio. November 2002. tagal na noon pero traumatized pa rin kami sa mga bagyo at tornado.

Leave your response!

Add your comment below, or trackback from your own site. You can also subscribe to these comments via RSS.

Spill the beans. Be heard. Comment your heart out.

You can use these tags:
<a href="" title=""> <abbr title=""> <acronym title=""> <b> <blockquote cite=""> <cite> <code> <del datetime=""> <em> <i> <q cite=""> <strike> <strong>

This is a Gravatar-enabled weblog. To get your own globally-recognized-avatar, please register at Gravatar.

ss_blog_claim=a6aa9de682917f51a84d4891dd87659b